Mas pinaigtingpa ng mga tauhan ng pulisya at militar ang seguridad sa mga pilgrimage sites ngayon upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto ngayong Semana Santa.
Sinabi ni Brig. Gen. Steve Ludan na kabilang sa mga ito ay ang mga lugar na pangunahing binibisita ng mga deboto tulad ng Bangan Hill sa Bayombong, Nueva Vizcaya; Dariok Hill sa Santiago, Isabela; Mt. Calvary sa Iguig, at sa Our Lady of Piat sa Cagayan.
Naglagay na rin ng mga security measures sa mga nasabing lugar upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan at maiwasan na rin ang mga mapagsamantalang masasamang loob ngayong Semana Santa, ayon kay 5th Infantry Division commander Maj. Gen. Laurence Mina.
Bukod dito ipinahayag din ni Central Luzon police director Brig. Gen. MAtthew Baccay na nagtalaga rin sila ng pulisya sa mga simbahan at pilgrims na siguradong dadagsain din ng mga deboto.
Inatasan din ang pulisya na magsagawa ng mga pagsisiyasat sa lugar upang tiyakin naman ang kaligtasan ng mga motorista at commuters.