Pagtutulungan ngayon ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang pagbuwag sa mga private armed group sa buong Pilipinas.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa sunud-sunod na pag-atake ng mga armadong kalalakihan sa ilang mga local executives nitong nakalipas na mga araw.
Ayon kay PNP Public Information office Chief PCol Redrico Maranan, makikipagtulungan ngayon ang pambansang pulisya sa AFP upang mas paigtingin pa ang kanilang kampanyang buwagin ang mga private armed group sa bansa.
Ito aniya ay agad na isasagawa matapos matukoy ng pulisya ang mga political hotspot sa bansa kung saan kadalasang inaatake ang mga lokal na opisyal na karaniwang sanhi ng away- politika.
Kung maaalala, una nang sinabi ni DILG Sec Benjamin Abalos Jr. na kasalukuyan nang nagtutulungan ngayon ang PNP at AFP sa pag iimbestiga sa magkakasunod na pag-atake sa mga halal na opisyal at gayundin sa pagbibigay ng seguridad sa ilang sensitibo at kritikal na lugar.
Ayon kay Abalos mas makakabuti rin kung sakaling ipatupad na sa buong Pilipinas ang disbandment against public army group na binubuo ng DILG, DND, PNP, at iba pang intelligence offices sa bansa upang tuluyang matunton at mabuwag na agad ang mga criminal gangs sa buong Pilipinas.