CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-10 ang ibinabang hatol ng korte laban sa anak ng napaslang na si dating Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog na si Reynaldo Parojinog, Jr.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ozamis City police director Major Jovie Espenido, malaking tagumpay ito hindi lamang para sa kapulisan kundi pati na rin sa mga residente ng Ozamis City na matagal nang umaasam na masugpo ang problema sa droga sa kanilang lugar.
Ayon kay Espenido, ang ipinalabas na desisyon ng korte ay nagpapakita na pawang kasinungalingan ang alegasyon ng kampo ng mga Parojinog na planted ang mga droga at illegal drug paraphernalia na nakuha mula sa pamamahay ng mga ito.
Sinabi rin ni CIDG-10 regional director Lt. Col. Reymund Liguden na tagumpay ng pamahalaan ang pagpataw ng habambuhay na pagkabilanggo laban kay Parojinog Jr.
Inihayag nito na pinaniniwalaan ng hukuman na mabigat ang mga ebidensiya na kanilang nakuha mula sa mga Parojinog.
Isa rin aniya itong patunay nang pagkamit nang hustisya para sa mga biktima mula sa umano’y iligal na gawain ng nasabing pamilya.
Una nito, habangbuhay na pagkabilanggo ang ipinataw ng Quezon City Regional Trial Court Branch 79 laban kay Parojinog Jr. dahil sa kasong illegal possession of prohibited drugs.
Ang nakababatang Parojinog ang siyang pinakaunang miyembro ng political family na nahatulan sa isyu sa iligal na droga.
Maliban sa life imprisonment, pinatawan din ito ng multa na P500,000.
Napag-alaman na nahuli si Parojinog Jr. nang isilbi ang search warrant ng composite team sa pangunguna ni Espenido noong July 2017.
Sa nasabing operasyon, napatay ang ama nito na si Reynaldo Parojinog at ang kaniyang ina na si Susan Parojinog kasama ang kanilang pitong mga tauhan.