-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagdulot ng takot at alarma sa mga residente ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng kapulisan at pinaniniwalaang kasapi ng communist terrorist groups sa Brgy. Sogoy, Castilla, Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Marmay Fartingca, hefe ng Castilla PNP, malapit lamang ang pinangyarihan ng insidente sa residential area.

Sa pag-responde ng mga otoridad sa lugar, pinaputukan ang tropa ng nasa limang kalalakihan habang nagpasabog pa ng improvised explosive device ang mga ito habang tumatakas.

Nagtamo ng pinsala dahil sa tama ng bala at pagsabog ang nasa tatlong kabahayan kung saan nakalusot pa ang ilang bala sa bintana.

Mapalad naman na walang nasaktan sa insidente.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng kapulisan ang koordinasyon sa militar sa pagbabantay sa nasasakupan.

Matatandaan na noong nakalipas na Disyembre 2020, nagpasabog din ng IED ang mga CTGs sa kaparehong lugar.