Pinanindigan ni Department of Interior ang Local Government(DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang terminolohiyang ‘naaresto’ bilang mas akma sa tuluyang pagkakasa-kustodiya ng mga otoridad kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.
Una kasing sinabi ng kampo ng KOJC na hindi naaresto si Quiboloy, bagkus, kusa siyang sumuko sa mga otoridad.
Pero giit ni Abalos, hindi siya simpleng sumuko. Posible aniyang naramdaman na ng kampo ng pastor ang pagdiin ng mga otoridad kayat tuluyan na siyang lumutang.
Ayon sa kalihim, napalibutan ng mga miyembro ng PNP ang compound kung saan siya nagtatago ng ilang araw at ito ang nagdiin sa kampo ng pastor upang lumabas na.
Paliwanag ni Abalos, kung ang pastor sana ay nasa ibang lugar at pinili niyang lumabas kahit hindi siya na-presure, maaari pa itong tawaging sumuko.
Para naman kay Police Regional Office 11 Director BGen. Nicolas Torre III, ang pagsuko ay mistulang pormalidad na lamang sa panig ng KOJC.
Marahil aniya ay mas magaan ito para sa kampo ng pastor, kayat mas pinipiling gamitin ang terminolohiyang ‘sumuko’ kaysa naaresto.
Gayunpaman, nanindigan ang heneral na kung hindi sana lumabas ang KOJC founder, tuluyan din itong matunton ng pulisya kasunod ng pagtatapos ng ultimatum na kanilang inilabas.