Magpupulong ang Philippine National Police at Department of Justice ngayong araw para plantsahin ang scheduled arraignment kina KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy at kaniyang kapwa akusado sa Regional Trial Courts sa Pasig at Quezon city sa Biyernes.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, may scheduled arraignment o pagbasa ng sakdal kina Quiboloy sa 2 korte na nagkataong sabay bagamat sa pamamagitan lang ng videoconferencing ang mangyayari sa RTC Pasig.
Bagamat ayon kay Col. Fajardo nang ibalik nila ang warrant sa korte nitong Lunes, sinabi ng clerk na hindi na ire-require pa ang pisikal na presensiya ng mga akusado kasama na si Pastor Quiboloy kung saan isa nga sa kaniyang mga kaso sa Pasig RTC ay non-bailable o walang karampatang piyansa.
Samantala, kasalukuyang nag-aadjust naman ang kontrobersiyal na religious leader mahigit isang araw matapos na madetine sa PNP custodial facility.
Ayon kay Col. Fajardo, personal niyang nakausap ang pastor at sa kabuuan naman ay nakakain naman siya kasama ang iba pang detainees at kaya naman aniya nila ang sitwasyon doon.
Una ng iniharap ni DILG Sec. Benhur Abalos sina Quiboloy sa media nitong Lunes na nakatakip ang mga mukha subalit saglit lamang at agad ding ibinalik sa kanilang selda. Nahaharap nga ang mga akusado sa patung patong na mga kaso may kinalaman sa sexual, child abuse at qualified human trafficking sa 2 RTC sa Metro Manila.