Pinaplano ngayon ng Philippine National Police at Department of Transportation na bumuo ng isang “Special Team” laban sa mga pulis na iligal na nag e-escort ng mga VIP.
Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo na bahagi ito ng mga ginagawang hakbang ng kapulisan para labanan ang “moonlighting” na posibleng kasangkutan ng ilang miyembro nito.
Aniya, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa ngayon ang PNP sa DOTr ukol dito na inaasahang bubuoin ang naturang special team ng mga tauhan ng DOTr, MMDA, HPG, at Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Mag o-operate ang nasabing special team sa buong bansa ngunit un itong ipapatupad sa National Capital Region kung saan magsasagawa ito ng mga random inspection sa mga pangunahing lansangan sa rehiyon.
Kung maaalala, una rito ay naaresto ng kapulisan ang dalawa sa kanilang mga kasamahan na miyembro ng Special Action Force na napag-alamang nagbibigay ng security escort sa isang VIP na nagresulta naman ng kanilang pagkakasibak sa puwesto maging ng mga opisyal na mas nakatataas sa kanila.