VIGAN CITY – Patuloy ang mahigpit na monitoring ng militar sa umano’y planong pagpapasabog ng mga teroristang ISIS sa ilang lugar sa Northern Luzon, kasama na ang Vigan City, Ilocos Sur.
Kasama na rin sa mga nagmo-monitor sa nasabing security threat ang pulisya at maging ang mga local government units sa lalawigan lalo na sa mga lugar kung saan sinasabing magpapasabog ang mga terorista.
Nitong Agosto 11 ang sinasabing unang pagsalakay ng mga terorista ngunit wala namang nangyaring hindi kanais-nais sa lungsod o sa iba pang bahagi ng probinsya.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng mga otoridad ang publiko na manatiling kalmado at maging mapagmasid nang sa gayon ay kaagad nilang maipaalam sa mga kinauukulan kung mayroong mga kahina-hinalang tao o grupo sa kanilang lugar.
Una nang tiniyak ng Northern Luzon Command at ng PNP na “secured” ang mga tao sa rehiyon at wala silang namomonitor na anumang pagsalakay ng mga terorista ngunit mahigpit pa rin ang kanilang monitoring at security operations.