ILOILO CITY – Nasa red alert status na ang Philippine National Police at Philippine Army matapos ang pag-ambush ng rebeldeng grupo sa tropa ng gobyerno sa Sitio Gahit, Barangay Aningalan, San Remigio, Antique.
Sa insidente, sugatan ang dalawang pulis na sina Police Corporal Jomer Yamuyan at Patrolman Danmer Dela Cruz, pawang myembro ng 1st Antique Mobile Force Company.
Nangyari ang engkwentro matapos nagresponde sa lugar ang 1st Antique Mobile Force Company kasama ang San Remigio Municipal Police Station matapos nakatanggap ng ulat ang mga otoridad na mayroong presensya ng mga rebelde sa lugar at nag-vandalize ng government owned facility.
Tinatayang 16 mga rebelde na pinamununuan ni Harold Mariano alias Rod ang naengkwentro ng mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Antique Governor Rhodora “Dodod” Cadiao, sinabi nito na pinagbabawalan muna ang publiko na bumisita sa bayan ng San Remegio partikular sa Aningalan na kilalang tourist destination.
Ayon kay Cadiao, mas hihigpitan rin ng local government unit ang kanilang security measure.
Ninilaw naman ng gobernadora na isolated case ang insidente.