-- Advertisements --

Nagsagawa ng joint examination ang PNP at NBI sa kaso ng kontrobersiyal na pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.


Alas-10:00 kaninang umaga, nagtungo sa Camp Crame ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation.

Ito ay para magsagwa ng joint examination kasama ang PNP kaugnay sa kaso ni Dacera.

Mismong si NBI Spokesperson Ferdinand Lavin ang nagkumpirma nito.

Wala namang ibinigay na detalye si Lavin kung ano ang mga natalakay sa pagpunta nila sa Crame.

Bago nito, una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mag uusap muna ang NBI at PNP bago maglabas ng kumpletong resulta ng imbestigasyon ang NBI.

Matatandaan na sa ginawang report ng PNP sa bangkay ni Dacera nakumpirma na ruptured aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera at hindi homicide ang nangyari sa dalaga.

Nakalagay din doon na lumaki sa 500 gm ang puso ni Dacera mula sa normal na 300 gm at walang indikasyon na ginahasa.

Pero duda dito ang pamilya ni Dacera at hindi kinilala ang report ng PNP.