LEGAZPI CITY – Kinontra ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Bise Presidente Leni Robredo sa umano’y malala pa rin na problema sa iligal na droga sa rehiyong Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Malu Calubaquib, ang tagapagsalita ng Police Regional Office-5, binigyang diin nito na nasa downward trend na ang mga illegal drug activities sa rehiyon basi sa mahigpit na monitoring ng PNP.
Pinasinungalingan rin ng opisyal na drug transhipment hub ang Naga City at Legazpi City dahil komonti na rin ang mga nagbebenta ng droga sa mga naturang lugar.
Kung maalala mismong sinabi ni President Rodrigo Duterte na “hotbed” ang Naga City ng shabu bagay na ikinagalit din ng ilang mga Bicolanos.
Sa ngayon binigyang diin ni Calubaquib ang mga matagumpay na operasyon ng PNP laban sa mga big time drug suppliers na nagtatangkang magpasok ng droga sa rehiyon.
Samantala sa isa pang panayam, nanindigan naman si PDEA Bicol Director Christian Frivaldo na epektibo ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon salungat ng pahayag ng bise presidente.
Ibinigay na halimbawa ng PDEA director ang mahigit 600 na mga barangay na naideklara ng drug free o wala ng impluwensya ng droga habang 400 naman ang nakatakda pang ideklara sa darating Disyembre.