Tumutulong na ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng pursuit operations at kapwa pinalakas ang kanilang intelligence-gathering laban sa iba pang kasabwat ng Chinese Nationals nasawi sa drug operations sa Zambales at naaresto naman sa Bataan.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, inatasan nya ang lokal na pulisya at Maritime Group na paigtingin ang pagbabantay sa mga baybayin ng bansa upang pigilan ang tangkang pagpasok ng iligal na droga. Iginiit din niya ang kahalagahan ng ugnayan ng pulis at komunidad sa kampaniya kontra iligal na droga.
Paliwanag ni Eleazar, si Xu Youha na kabilang sa mga nasawi sa engkuwentro sa Zambales ay isa mga pinakamalaking shabu importer sa Pilipinas at miyembro ng transnational drug trafficking organization.
Dahil dito, inalerto ni PNP chief ang mga pulis na tugisin ang iba pang konektado kay Xu para mapanagot sa batas.
Nabatid na nagresulta ang mga operasyon sa Zambales at Bataan ng pagkakakumpiska sa humigit kumulang 580 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P3.944 billion, na siyang pinakamalaki para sa taong ito.
Samantala, tiniyak naman ni Eleazar na makakaasa ang taumbayan na hindi nila tatantanan ang mga natitira pang sindikato sa bansa.