-- Advertisements --

Kapwa pinatunayan daw ng PNP at PDEA na malakas pa rin ang kanilang ugnayan at koordinasyon para mapaagtagumpayan ang kampanya laban sa iligal na droga sa kabila ng isyung mis-encounter.

Pinakita ng dalawang law enforcement agencies na sa pamamagitan ng joint anti-illegal drug operations kanilang nahuhuli ang mga tinaguriang high value targets.

Patunay dito ang matagumpay na buy bust operations kung saan nasabat ang mahigit isang bilyong piso halaga ng iligal na droga sa dalawang magkahiwalay ng buy bust operation sa Paranaque at Cavite.

Sa ulat ni NCRPO director M/Gen. Vicente Danao, narekober ang 38 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P250 milyon sa joint buy-bust operation ng PNP at PDEA sa S&R Open Parking Lot, Brgy. Baclaran, Parañaque City nitong nakalipas na Linggo ng hapon.

Nakuha ang droga mula sa arestadong 38-anyos na Chinese na kinilalang si Zhizun Chen, na taga-Binondo, Manila.

Samantala, iniulat din ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, na 117 kilo naman ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P795 milyon ang narekober ng kanilang mga tauhan sa isang buy bust operation sa Villa Nicasia, Tanzang Luma, Imus, Cavite nito ring nakaraang Linggo ng hapon.

Nakuha ang droga mula sa arestadong 39-anyos na Chinese na kinilalang si Kuok Wong, alias Jose Baluyot Wong.

Ayon kay Danao ang epektibong pagtutulungan at kooperasyon ng PNP at PDEA ang susi upang maparami pa ang nakukumpiskang droga at nahuhuling high value drug targets.

Binigyang-diin ni Danao hindi sila titigil hangga’t hindi nauubos ang mga indibidwal na sangkot sa illegal drug trade.