-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi nagustuhan ng kilalang political analyst na si Ramon Casiple ang mga pagsasalita sa harap ng publiko nina PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino at PNP chief officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ukol sa mga hinihingi na data ni drug czar at Vice President Leni Robredo.

Ito ay matapos harapan na tinanggihan ni Aquino ang paghingi sana ni Robredo ng listahan ng suspected top drug personalities kaugnay sa kanyang pagsisimula ng kanyang trabaho bilang co-chairman sa Inter-Agency Committee on Anti- Ilegal Drugs o ICAD.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Casiple na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang maaring makagawa ng ganoong pahayag at wala sa karapatan ng ilang government officials na mas mataas pa ang katungkulan ni Robredo.

Sinabi ni Casiple na lumalabas na hindi handa makatrabaho ng PNP at PDEA si Robredo na mismong itinalaga ni Duterte upang tumulong paglaban sa suliran ng iligal na droga sa bansa.

Bagamat inamin ng opisyal na mayroong ilang bahagi ng mga impormasyon na hindi basta-basta mailabas lalo pa’t nakakaapekto naman sa pangkalahatan na anti-drug war ng gobyerno.