Nagkasundo ang PNP at Simbahan na magtulungan para isulong ang peace and order sa Negros province.
Ito ay makaraan ang pagbisita ni PNP chief Gen. Debold Sinas kay Most Reverend Bishop Patricio Buzon ng Diocese of Bacolod, sa Bishop’s Palacio kanina.
Kasama ni Bishop Gerardo Alminaza ng Diocese of San Carlos, Bishop Louie Galbines ng Diocese of Kabankalan, Most Rev Oscar Jaime Florencio at Military Ordinariate.
Nagpasalamat si Bishop Buzon sa PNP chief sa kanyang inisyatiba na lumapit sa mga lider ng simbahan upang pawiin ang kanilang pangamba sa sitwasyong pangkapayapaan sa dalawang lalawigan ng Negros.
Napag-usapan umano sa pagpupulong ang concerns ng PNP at Simbahan pagdating sa peacekeeping, law and order, justice at human rights.
Nagkasundo sina Gen. Sinas at mga lider ng Simbahan sa Negros na mag-usap muli ngayong buwan na magiging bahagi ng regular na ugnayan ng pulis at simbahan sa rehiyon.
Habang nasa Bacolod, pinangunahan din ni PNP chief ang groundbreaking ceremony ng transient quarters ng Negros Occidental Police Provincial Office.