Ikinababala ng PNP Aviation Security Group ang paglobo ng bilang ng bomb jokes sa iba’t-ibang mga paliparan sa bansa.
Lumalabas kasi sa datos ng naturang police unit na umabot na sa 11 ang naitalang kaso sa unang kalahating bahagi ng 2024 gayong pitong kaso lamang ang naitala sa kabuuan ng 2023.
Naniniwala si PNP Aviation Security Group-Investigation Division Chief Police Colonel Christopher Melchor na ang kawalan o kakulangan ng sapat na kaalaman ukol sa ganitong krimen ang nagtutulak sa mga pasahero na gawin ito.
Maaari rin aniyang hindi batid ng mga pasahero ang kaparusahan sa pagbibitaw ng bomb jokes kayat patuloy na dumarami ang gumagawa rito.
Babala ng opisyal na ang mga pasaherong mapapatunayang nagbiro o nagbanta ng pambobomba habang nasa mga paliparan o nasa loob ng eroplano ay hindi lamang papalabasin kundi sasampahan din ng kaso at pagmumultahin.