-- Advertisements --

Walang balak patulan ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde ang pagtawag sa kanya ng KMU na “epal” at “sipsip” daw sa Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang statement, sinabi ni PNP spokesman Col. Bernard Banac na pinaninindigan ng PNP chief ang kanyang posisyon na ang KMU ang responsable sa pagkawala ng trabaho sa bansa.

Ito ay dahil sa kanilang mga “anti-government activities” na nananakot sa mga foreign investors, kaya lumayas sila sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Albayalde na sa halip na “mag-name calling”, bakit hindi na lang sagutin ng KMU ang alegasyon na sila ay umano’y front organization ng CPP/NPA na mismong si CPP founding Chair Jose Maria Sison pa ang nagsabi.

Dagdag pa ng PNP chief, dapat tigilan na ng KMU ang pag-exploit sa mga manggagawang Pilipino para sa kanilang pansariling interes.

Tiniyak naman ni Banac na sa panig ng PNP ay patuloy nilang pangangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, sa pamamagitan ng pagtiyak ng isang ligtas na “environment” na pabor sa pagnenegosyo ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan.