Nangako ang bagong tagapagsalita ng PNP na kanilang babaguhin ang proseso sa pag-accredit ng mga miyembro ng media na magko-cover sa PNP.
Ito’y matapos makakuha ng mga negatibong reaksiyon kasunod sa ginagawa nilang pag-iimbestiga sa identity ng isang media personality.
Paliwanag ni PNP Spokesperson John Bulalacao na batay sa guidelines ng Public Information Office, lahat ng mga media mula sa iba’t ibang networks na na-accredit para mag cover sa PNP ay dumadaan sa “verification process.”
Umalma ang ilang mga reporters dahil may mga pulis na mula sa intelligence ang pumupunta sa mga barangay at bahay at tinatanong ang nasabing media personality.
Ilan din sa mga mediamen ay hinihingan ng kanilang kumpletong address.
Aminado si Bulalacao na ang paraan sa pag-verify ng ilang mga pulis mula sa intelligence group para sa isang media personality ay nakaka-alarma at hindi umano katanggap-tanggap.
“Mandate kasi ng PIO na mag-accredit ng media representatives so kung sino papadala nila dito, so ina-accredit. Palagay ko alam niyo naman ‘yun nasa ating guidelines iyon and pagka-once mag-accredit tayo, it will pass through the vetting process, I mean verification lang kung talagang yung pinapadala na tao na nagpunta sa amin for accreditation talagang galing dun sa media outfit na yun. So kaya lang ang problema na na-realize namin ngayon, ‘yun kasing intel natin may sariling template yun for background investigation (BI) and that template ‘yun din pala ang nagamit sa mga kasamahan natin, so which is acceptable, na alarming on your part dahil sa tingin niyo kayo ay binabantayan pero hindi ‘yun ang purpose. Wala lang talagang special template ung intel for BI para sa media. So ang naisip namin kanina ay ‘yung baguhin na lang natin ang process,” paliwanag ni Bulalacao.
Binigyang-diin din ng heneral na hindi dapat “tedious” ang verification process sa pag accredit sa isang media personality.