-- Advertisements --

encounter1

Balik na sa kanilang anti-illegal drug operation ang Philippine National Police (PNP) matapos ang madugong misencounter sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA na ikinasawi ng dalawang pulis at dalawang PDEA.


Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, mahigpit ang kaniyang direktiba sa mga regional police commanders na tiyaking may koordinasyon ang kanilang drug operations sa PDEA.

Iginiit din ni Sinas sa mga ground commanders na ayaw na nitong maulit pa ang unfortunate incident sa parking area sa isang mall sa Commonwealth, Quezon City.


Mahigpit din ang bilin sa kanila ni Pang. Rodrigo Duterte na ayaw niyang maapektuhan ang anti-drug campaign ng pamahalaan dahil lamang sa insidenteng shootout sa pagitan ng dalawang law enforcement units.

Siniguro naman ni Sinas ang full cooperation ng PNP sa imbestigasyon ng NBI hinggil sa madugong insidente.

Samantala, kinumpirma naman ni NCRPO chief BGen. Vicente Danao Jr na ang misencounter ng PNP at PDEA sa Commonwealth ay hindi ang unang beses na nagka enkwentro ang dalawang law enforcement units.

Sinabi ni Danao may nangyari na sa area ng Manila Police District at sa Region 4A o Calabarzon pero hindi nagresulta sa barilan dahil agad nagka amuyan ang dalawa.

Subalit blanko si Danao kung bakit hindi natunugan ng parehong law enforcement units ang insidente sa parking area ng Ever Gotesco mall.

Dagdag pa ni Danao, balik na rin sa duty ang mga pulis na sangkot sa misencounter laban sa PDEA.