BAGUIO CITY – Ipinasigurado muli ng Regional Joint Security Control Center (RJSCC) ng Cordillera region ang ligtas, tapat at maayos na halalan sa Cordillera para makapili ang mamamayan ng mga takang lider para sa susunod na tatlong taon.
Ginawa nila ito sa kanilang pagpupulong, limang linggo bago ang 2019 midterm elections para higpitan pa ang nakahandang security plans tungo sa ligtas at patas na halalan sa Cordilleras.
Sinabi ni Comelec-Cordillera assistant regional director Atty. Vanessa Roncal, bibigyan ng RJSCC ng special attention ang Abra na isinailalim sa red category ng election hotspots dahil sa election-related violence sa kasaysayan ng lalawigan na bunga ng mainit na political rivalries kung saan may mga nagagamit na private armed groups at ilang reports ng umano’y vote buying.
Ayon naman kay Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, regional director ng Cordillera PNP, bilang bahagi ng security measures, patuloy ang pagpatupad ng mga pulis at militar sa mga checkpoints kung saan malawak ang police visibility ngayon sa Abra.
Napag-alaman sa kanya na isang component ng police elite Special Action Force (SAF) ang madi-deploy sa Abra para maiwasan o matugunan ang anumang election-related violence doon.
Tiniyak din ng militar ang kanilang pag-augment sa mga pulis at tututukan nila ang mga rebelde na posibleng samantalahin ang pagsasagawa ng mga terroristic activities.