LEGAZPI CITY – Tiniyak ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tulong ng Donsol Municipal Police ang aksyon sa natatanggap na death threat ng pamilya ni Peter Joemel Advincula.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNP CIDG Albay chief P/Maj. Ronnie Favia, ipinakita na sa kanila ng Pamilya Advincula ang mga sinasabing text messages na laman ang mga banta sa buhay na ipinapadala ng mga anonymous persons.
Una nang nabatid na nagkakilala si Favia at Advincula noong 2016 sa New Bilibid Prison (NBP) upang i-validate ang umano’y sensitibong impormasyon na hawak nito subalit hindi naman nailabas dahil walang proof sa pagsubstantiate ng alegasyon.
Nang makalaya noong 2017, nakilala umano ni Favia ang pamilya Advincula subalit muling nagkaproblema nang masangkot ito sa isang anomalya sa bayan ng Polangui.
Pinutol umano nito ang komunikasyon sa pamilya maging kay Favia hanggang sa lumantad at magpakilalang si alyas Bikoy na narrator sa mga controversial narco-series video.
Sa puntong ito, nagsimula na rin umano ang banta sa buhay ng pamilya kung saan may isang pagkakataon pang pumasok umano ang mga hindi kilalang tao sa bakuran ng bahay sa Donsol, Sorsogon.