Bigong maisilbi ng kapulisan ang warrant of arrest nito sa aktor na si Ken Chan sa kasong syndicated estafa.
Sinubukan ng awtoridad na puntahan ang aktor sa bahay nito sa Quezon city pero hindi ito natagpuan doon at hanggang ngayon ay wala pang impormasyon ang pulisya sa kinaroroonan nito.
Ayon sa mga abogado ng nagrereklamo, na sina Atty. Joseph Noel Estrada at Atty. Maverick Romero ng Estrada, tumanggi ang kanilang kliyente na isapubliko ang pagkakakilanlan nito pero isa umano itong businessman na nasa 40-50 taong gulang.
Ang reklamo, sangkot umano ang aktor at 7 pang kapwa nito akusado sa investment scam at ang naibigay daw na halaga ng pera kay Ken at sa grupo nito ay aabot ng P14 million.
Ayon pa sa abogado, kahit ang 7 kasamahan ni Ken ay hindi pa rin makita hanggang sa ngayon.
Samantala, sa ilalim ng Article 315 of the Revised Penal Code, ang kasong syndicate estafa ay non-bailable o hindi maaaring pyansahan at may parusang habang buhay na pagkakakulong.