-- Advertisements --
image 1

Sa nalalapit na Oktubre 30 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sinabi ng Philippine National Police na binabantayan nila ngayon ang 38 potensyal na private armed groups (PAG) at isang aktibong PAG.

Inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang bilang ng mga potensyal na PAGs na binabantayan ng security forces as of September 29 ay bumaba mula sa mahigit 40 hanggang 38.

Ani Fajardo, una na ring namonitor ng PNP ang tatlong aktibong PAG sa Central Luzon, ngunit dalawang grupo ang sumuko na sa mga awtoridad.

Matatandaan rin na inihayag ng PNP na ikinokonsidera nilang isama ang 246 na barangay bilang election areas of concern sa ilalim ng red category, na ilalagay sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec).

Karamihan sa mga barangay na ito ay nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Eastern Visayas, at Bicol Region.

May kabuuang 1,248 barangay ang nasa orange category, habang 1,100 naman ang nasa yellow category.