Umapela sa publiko ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG) na ireport ang mga nakikitang online ads na nag-aalok ng abortion services.
Ito ay kasunod na rin ng pagkakahuli sa apat na indibidwal na umano’y nag-aalok ng abortion o pagpapalaglag ng sanggol sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay PNP-ACG director Brig. Gen. Ronnie Cariaga, natunton ng kanilang unit ang grupo sa pamamagitan ng cyber patrolling kung saan ay natukoy ang kanilang opisina sa mga siyudad ng Caloocan at Manila.
Nakipagkasundo aniya ang kanilang personnel para sa isang appointment hanggang sa pumayag ang mga ito at dito na sila inaresto.
Ayon pa kay Cariaga, ang mga suspek ay humihingi ng P10,000 sa bawat abortion service.
Apela ng heneral sa publiko, wag tangkilikin ang ganitong modus dahil iligal ito sa bansa.
Aniya, nananatiling ilegal ang abortion sa Pilipinas at ang mga taong sangkot sa ganitong serbisyo, kasama na ang mga sasailalim sa abortion, ay tiyak na kakasuhan ng mga otoridad, kabilang na ang paglabag sa Intentional Abortion provision ng Revised Penal Code, Hospital Licensure Act, Pharmacy Law, atbp.