-- Advertisements --

Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na mag-ingat sa Facebook scam ng mga taong nagpapanggap na mataas na opisyal ng gobyerno.


Ang babala ng PNP ay matapos na matukoy ng PNP Anti-Cybercrime Group ang isang indibidwal na gumawa ng pekeng Facebook Account gamit ang pangalang Camilo Pancratius Cascolan, na pangalan ng mismong PNP Chief.


Ayon kay PNP Spokesperson Col. Ysmael Yu, ginamit umano ng suspek ang ninakaw na personal data para lumikha ng pekeng profile sa FB at magpanggap bilang si PNP Chief.

Kaagad naman naalerto si PNP Chief sa aktibidad ng “poser”, matapos isumbong sa kanya ng isang kaibigan na ang pamangkin nitong pulis sa Nueva Ecija ay muntik nang magpadala ng P10,000 sa scammer sa pamamagitan ng wire transfer para ma-reassign sa magandang pwesto.


Sinabi ni Yu nakapagsagawa na sila ng case build up laban sa suspek at hinihintay nalang ang arrest warrant para arestuhin ito.
Sa ngayon ongoing na ang imbestigasyon hinggil dito.