-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —Blangko pa rin ang Malay Municipal Police Station sa motibo ng pagpatay sa isang empleyado ng assessor’s office ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan.

Ayon kay Punong Barangay Jimmy Solanoy ng Sambiray, Mainland Malay ang 50-anyos na biktimang si Analisa Ascaño Torres ay binaril sa loob mismo ng kanyang bahay, alas-6:30 ng gabi ng Sabado, Enero 4, sa nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, matapos pagbuksan ng biktima ang kumakatok sa kanilang main door ay agad siyang binaril ng malapitan ng hindi nakikilalang suspek.

Kaagad tumakas ang suspek na nakasuot ng helmet sakay ng kanyang motorsiklo matapos ang krimen.

Habang isinugod ang biktima sa Malay Municipal Hospital sa Barangay Motag, subalit patay na nang makarating.

Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo, balikat at dibdib.

Hindi naman nasaktan ang kanyang tatlong anak ng mangyari ang insidente.

Sa kabilang daku, nirereview pa ng pulisya ang kuha ng mga CCTV camera sa lugar na maaring makatulong sa imbestigasyon.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen kung ito ay may kinalaman sa trabaho o personal na alitan at kung ang suspek ay miyembro ng gun for hire group.

Dagdag pa ni Kapitan Solanoy na wala silang maisip na dahilan sa pagbaril sa biktima dahil kilala itong mabait at masiyahing tao.