-- Advertisements --
CALABARZON
PNP CALABARZON Regional Police Director, BGen.Felipe Natividad

Hindi pa rin tukoy ng Special Investigation Task Group Perez ang mga suspek na pumatay kay Los Baños, Laguna Mayor Cesar Perez maging ang uri ng armas na ginamit ng suspek.

Ayon kay B/Gen. Felipe Natividad, regional director ng CALABARZON police na wala pa silang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa krimen.

Sinabi ni Natividad, na base sa ginawa nilang sketch sa testimonya ng tatlong testigo, lumalabas na 26 meters ang posibleng layo ng shooter.

Maari umano itong nagtago sa bakod dahil sa bullet hole na kanilang nakuha.

Naniniwala si Natividad na ang bumaril sa alkalde ay isang trained shooter na pinaniniwalaang gun for hire.

Hindi naman masabi ng heneral kung sniper ang bumaril sa mayor.

Lahat ng posibleng anggulo sa pagpatay sa alkalde ay kanilang tinitigyan gaya sa pulitika.

calabarzon2

Batay sa medico legal ng biktima, nakita na isang tama ng bala ng baril sa ulo, katawan at kanang balikat ang ikinasawi ng alkalde.

Batay sa imbestigasyon, dalawang beses pinaputukan si Perez nang dumating na siya sa munisipyo pasado alas-8:00 ng gabi ng December 4.

Una nang nanawagan ang pamilya ni Perez kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila sa pagkamit ng hustisya.

Si Perez ay kasama sa mga narco-politician na pinangalanan ni Duterte noong 2019.

Itinanggi naman ni Duterte na sa kanya ang listahan at binasa nya lang kung ano ang ibinigay ng mga pulis sa kanya.