DAVAO CITY – Ayon sa hepe ng Bajada Police Station na si PMaj. Antonio Luy na hindi pa nila matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril sa dating alkalde at dating board member na si Gecilo Castillones kahapon pasado alas-10 ng umaga sa labas mismo ng isang foodchain sa KM. 5 Ladislawa, Buhangin ng lungsod ng Davao.
Matatandaan noong papaalis ang biktima kasama ang kanyang driver na kinilalang si Junie Castro at isa pang kasama na kinilalang si Alma Manliguez Lozentes, bigla itong pinagbabaril ng 4 na beses ng hindi kilalang suspek.
Dagdag pa ni Luy, hindi pa nila natatapos ang imbestigasyon dahil hindi pa nagbibigay ng detalye ang pamilya tungkol sa insidente dahil nasa matinding kalungkutan pa rin ang mga ito.
Samantala, bumuo na ng team ang Bajada PNP na ipapadala sa Barangay San Rafael para pangunahan ang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Luy, mahihirapan silang matunton pati na rin mahanap ang ugat ng motibo ng krimen dahil hindi naman sila taga rito sa lungsod kaya naman nagpadala sila ng mga tauhan sa probinsiya ng Davao Oriental.
Ayon sa kuwento ng mga nakakita, nasa 5’5 ang taas ng isa sa mga bumaril sa mga biktima, maitim, nakasuot ng tube mask, maroon bull cap, gray na cargo pants, brown na sandals at dilaw na long sleeves na jacket na may numerong 46.
Sa katunayan, wala pa ring kopya ng CCTV ang otoridad dahil kailangan pang humingi ng permiso ng fastfood chain sa kanilang main office sa kabisera kung saan nakuha ang surveillance kahapon.
Gayunpaman, tiniyak ni Luy na patuloy silang maghingi ng kopya ng CCTV sa ibang establisyimento.
Sa ngayon, nagpapagaling pa ang driver na nagtamo rin ng tama sa Southern Philipine Medical Center (SPMC).