
Bubuo ng Special Investigation Task Group ang Philippine National Police na tututok sa pamamaril-patay sa isang radio broadcaster sa Oriental Mindoro.
Ito ay kasunod ng insidente ng pamamaril ng riding in tandem sa biktimang si Cresenciano “Cris” Aldovino Bunduquin, 50 anyos, radio broadcaster/commentator at residente ng Barangay Canubing 1, Calapan City, Oriental Mindoro.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP-Public Information Office chief PBGEN Redrico Maranan na agad na ipinag-utos ni PNP chief PGEN Benjamin Acorda Jr. sa Police Regional Office 4B (MIMAROPA), at Calapan City Police Station na imbestigasyon ang naturang krimen at kilalin ang mga salarin dito.
Aniya, layunin ng bubuoing SITG na magsagawa ng mas malalimang imbestigason para sa mas mabilis na pangangalap ng mga ebidensya at testimonya hinggil sa nasabing krimen.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang Pambansang Pulisya sa naiwang pamilya ng biktima at gayundin sa kaniyang mga katrabaho para sa mga karagdagang impormasyon.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng mga otoridad kung may kaugnayan ba sa trabaho ng biktima ang motibo ng pamamaslang sa kaniya, ngunit tiniyak ng PNP na tinitignan nito ngayon ang lahat ng posibleng maging anggulo sa nasabing krimen.
Samantala, sa kabila nito ay muli namang tiniyak ng PNP sa mga mamamahayag na prayoridad nito ang kanilang seguridad at direkta anilang babantayan ng PNP Media Vanguards ang magiging takbo ng panibagong kaso ng pamamaslang na ito sa isang mamamahayag.