CAUAYAN CITY – Inaasahang bubuo ngayon ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa ibayong pagsisiyasat sa pagbaril at pagpatay noong gabi ng Lunes, Hulyo 01, sa dating board member sa San Mateo, Isabela.
Una rito, binabagtas ng minamanehong kotse ni dating Liga ng mga Barangay Federation President Napoleon Hernandez ang daan sa Brgy. Dagupan, San Mateo nang barilin siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Mayroon nang natukoy na dalawang person of interest pero hindi pa mailalantad ng pulisya ang kanilang pagkakilanlan hangga’t walang matatag na ebidensiya laban sa kanila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Col. Mariano Rodriguez, provincial director ng IPPO na inatasan niya si P/Maj. Jeffrey Raposas, hepe ng San Mateo Police Station na gawin nang puspusan ang imbestigasyon sa nakuhang lead sa pagpatay kay Hernandez batay sa mga nasuring CCTV footages.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na ang pagbuo SITG ay ginagawa ng PNP 24 oras pagkatapos ng krimen kung wala pang malaking resulta ang imbestigasyon ng pulisya.
Ang SITG aniya ay bubuuin ng iba pang law enforcement unit tulad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay Rodriguez, ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang tinututukan sa pagsisiyasat sa pagpatay kay Hernandez.
Posible aniyang magsasagawa rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung hihilingin ng pamilya ng dating opisyal.
Inatasan din niya ang mga hepe ng pulisya na bantayan ang mga lokal na ehekutibo sa kanilang nasasakupang lugar na may banta sa kanilang seguridad.
Ang bawat local chief executive aniya ay maaaring mabigyan ng dalawang police escort.