-- Advertisements --

ROXAS CITY – Bukas ang PNP para sa imbestigasyon kung sakaling magsasampa ng kaukulang kaso ang pamilya ng driver na inaresto matapos napagkamalang lider ng rebeldeng grupo sa Poblacion Tacas, Cuartero, Capiz.

Ito ang inihayag ni P/Col. Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6 sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.

Ayon kay Malong, nirerespeto ng hanay ng pulisya kung anuman ang magiging desisyon ng pamilya ng nahuli at kaagad ring pinalaya na si Baltazar Saldo, ng Brgy. Sto. Angel, Dumalag, Capiz.

Ngunit nanindigan ito na hindi pa itinuturing ng PRO-6 “mistaken identity” ang nangyaring pag-aresto ng Regional Intelligence Division at Philippine Army 61st Infantry Battalion kay Saldo dahil mayroon naman aniyang witness na nakapagturo rito na siya ang matagal nang wanted na si Virgilio Paragan o ‘alyas Hasan’ na dating commanding officer ng Roger Mahinay Command, Komiteng Rehiyon – Negros ng Communist Party of the Philippines – New Peoples Army (CPP-NPA).

Kasunod ng pagkaaresto kay Saldo, ayon kay Malong, ay nararapat lamang na dalhin ito sa korte dahil ginawa lamang ng hanay ng pulisya ang kanilang mandato.

Sakaling namang mapatunayan na peke ang mga pahayag ng testigo laban kay Saldo, posible itong humarap sa kasong perjury.

Naging kontrobersiyal ang pagkaaresto kay Saldo matapos kaagad rin itong pinalaya kasunod ng pagpapatunay mismo ng ilang indibidwal na hindi siya ang matagal nang hinahanap na kriminal na nahaharap sa dalawang kasong murder at dalawang kasong attempted murder.