-- Advertisements --

May binuo nang mekanismo ang Philippine National Police para maiwasan ang vote-buying gamit ang online banking o cash transfer sa mobile applications.

Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar, sinimulan na ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya habang nalalapit na ang eleksyon.

Batid kasi nilang pwedeng magamit ang vote-buying gamit ang electronic money transfer services dahil may pandemya ngayon.

Hinihikayat naman ni Eleazar ang mga botante na huwag pumasok sa ganitong klase ng aktibidad at ipagbigay alam lang sa kanila kung may malalaman silang mga tao na gumagawa ng ganitong uri ng pandaraya sa eleksyon.

Paalala pa niy, ang mga politikong bibili ng boto ay walang magandang hangarin para sa bayan at panay pansariling interes lamang ang pakay na alagaan.

Oras din na makaupo ang mga ito ay tiyak na babawiin lang ang nagastos niya na ipinangbili ng boto.

Nabatid na ang vote-buying at vote-selling ay ipinagbabawal sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code.