Bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng special teams kabilang ang top investigators para tugisin ang mga indibidwal na tumulong sa pagtatago ni KOJC founder Apollo Quiboloy na nahaharap sa nga kaso ng child, sexual abuse at qualified human trafficking.
Ilan sa pangunahing task ng team ay ang pagkalap at pagberipika sa mga social media post, publications, at iba pang impormasyon tungkol kay Quiboloy, pag-validate at authenticate sa naturang mga materyal sa pamamagitan ng ACG, pagkalap ng mga pahayag at affidavits mula sa mga tauhan ng PNP na kasama sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy, pagkuha ng mga testimoniya mula sa mga biktima at complainants at pagkolekta ng documentary evidence mula sa ibang mga ahensiya na magpapalakas sa kaso.
Pinakilos na rin ang hiwalay na tracker team para hanapin si dating presidential spokesperson Harry Roque na mayroong detention order mula sa Kamara.
Ito ay matapos ma-cite in contempt sa ikalawang pagkakataon si Roque makaraang tumanggi na magsumite ng mga hinihinging dokumento para i-justify ang paglobo ng kaniyang yaman na iniuugnay sa ilegal na POGO.
Sa isang statement, sinabi ni PNP chief Police Gen. Rommel Marbil na isasagawa ang operasyon sa pagtugis sa mga coddler ni Quiboloy at kay Roque nang mahusay at naayon sa batas.
Una na ngang sinabi ng PNP chief na hindi makakapagtago si Quiboloy mula sa mga awtoridad kung walang tumulong sa kaniya.
Samantala, bumuo rin si PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Leo Francisco ng isang special composite team na binubuo ng CIDG at Anti-Cybercrime Group (ACG) officials para sa pagsasampa ng komprehensibong kaso laban sa mga indibidwal na tumulong kay Quiboloy.