Bumuo ng special investigation Task group (SITG) ang PNP para siyasatin ang pag-atake ng New Poeple’s Army (NPA) sa police station sa Lapinig, Northern Samar noong Agosto 10.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ang hepe ng directorate for Integrated Police Operations (DIPO) Eastern Visayas ang mamumuno sa SITG.
Layon ng imbestigasyon na mapanagot ang kung sino man ang dapat managot, at makasuhan ang dapat kasuhan.
Sa naturang insidente, tinatayang 50 NPA members ang sumalakay sa himpilan at tinangay ang 10 matataas na kalibre ng armas, tatlong pistola at mga personal na gamit ng mga pulis.
Dalawa naman sa anim na pulis na nagmamando ng istasyon ang sugatan.
Makalipas ang insidente, sinibak sa puwesto ni PNP Chief sa panukala ng PNP Oversight Committee ang hepe ng nabanggit na police station na si P/Insp. Noli Montebon; commander ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company na si C/Insp. Juan Byron Leogo; Northern Samar PNP Provincial Director S/Supt. Romeo Campomanes; at si PRO-8 Regional Director C/Supt Mariel Magaway.