Bukas ang CALABARZON PNP sa anumang imbestigasyon kaugnay sa madugong operasyon na ikinasawi ng siyam na katao na umanoy miyembro ng communist terrorist group.
Ayon kay Calabarzon PNP spokesperson, Lt. Col Chit Gaorian, nakahanda sila sa anumang imbestigasyon lalo na sa mga kumukwestiyon sa legalidad ng kanilang operasyon.
Iginagalang naman nila ang hakbang ng Commission on Human Rights na imbestigahan ang nangyari gayundin ang pagkondena ni Vice President Leni Robredo at pagsabing inosente ang mga napatay.
Una nang itinanggi ng mga kaanak ng biktima na hindi nanlaban ang mga nasawi.
Nanindigan ang PNP na walang iregularidad sa mga operasyon ng mga pulis laban sa mga komunistang rebelde.
Itinanggi din ng PNP Calabarzon ang alegasyong “tanim-ebidensiya.”
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, lehitimo ang kanilang mga operasyon dahil covered ito ng search warrant.