-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinondena ng regional director ng Police Regional Office (PRO-7) na si Brig. Gen. Val de Leon ang pagpatay sa dating sa Provincial Intelligence Branch sa Cebu Provincial Police Office na si Lt. Col. Joie Yape.

Ito ay matapos na tambangan ng riding in tandem suspects kagabi sa Molave St. Brgy. Kamputhaw, lungsod ng Cebu.

Sa mensahe na ipinalabas ng director, sinabi nito na “unacceptable” ang nangyari kaya inutusan na niya ang Cebu City Police Office (CCPO) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon nang sa ganon madaling mahuli ang mga suspek.

Napag-alaman na si Yape ay dating nadestino sa national headquarters ng Camp Crame, sa Quezon City ngunit isa itong native ng Aloran, Misamis Occidental.

Basi sa inisyal na impormasyon, nag-attend umano ng 3-day seminar si Yape ngunit napag-alaman na may dinaluhan itong administrative hearing kahapon sa CCPO.

Personal grudge o work related naman ang unang anggulong tinitingnan ngayon ng Cebu PNP kaugnay sa naturang pamamaril habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon

Una rito, naglalakad lang ang napaslang na pulis kasama ang asawa nito sa naturang lugar para sana kumain sa kalapit na mall nang biglang tinambangan ito ng riding in tandem suspects.

Nagtamo ng tama sa ulo ang biktima at sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Habang ligtas naman ang asawa nito.

Dinala pa sa pagamutan ang nasabing pulis ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa tama nito sa ulo.