Hindi makakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa gagawing change of command ceremony at retirement honors ni PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ngayong araw.
Dahil dito, si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang mag-a-administer sa seremonyas para sa pormal na pag-assume sa pwesto ni incoming PNP chief Maj. Gen. Debold Sinas.
Si Sinas ang kauna-unahang PNP chief na appointed ni Pangulong Duterte sa labas ng tinaguriang “powerful PMA Class of 1986” kung saan apat sa naturang klase ang nauna nang naging chief PNP.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP spokesperson Col. Ysmael Yu, handa na ang PNP sa nasabing event hinihintay na lamang nila ang kumpas mula sa Malacanang.
Sinabi ni Yu, mahigpit na ipatutupad ang quarantine protocol sa event kaya limitado lamang ang makakadalo habang ang iba ay inimbitahan na lamang sa pamamagitan ng virtual.
Itinakda naman mamayang alas-2:00 ng hapon ang retirement honors at change of command na gagawin sa PNP Multi-Purpose Hall sa Camp Crame.