Para kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde bahagi ng “character assasination” ang mga alegasyon laban sa kanya ni dating CIDG chief at ngayo’y Baguio Mayor Benjamin Magalong.
Ayon kay Albayalde, nakapagtataka ang “timing” ng pagbubunyag sa senado ni Magalong sa isyu ng mga umano’y “ninja cops” noong panahon siya pa ang Pampanga provincial director.
Sinabi nang PNP chief si Magalong noon ang nagpursige sa kaso at nahatulan ng dismissal ang 13 pulis sa Pampanga sa pangunguna ni Supt. Rodney Louie Baloyo na umano’y sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.
Aniya, hindi naipaliwanag ng husto ni Magalong sa Senado kung bakit natulog ng dalawang taon sa Camp Crame ang dismissal order ng mga naturang pulis.
Si Magalong noon ay may kapangyarihan daw na ipatupad ang dismissal order.
Nagpahayag pa nang pagtataka si Albayalde kung bakit ngayong panahon na niya pinapalutang ang isyu na aniya ay pwede namang tinapos ni Magalong nong nakapwesto pa siya kung talagang seryoso ito na pursigihin ang kaso laban sa mga naturang ninja cops.
Nilinaw naman ni Albayalde na ang kanyang pagtawag kay PDEA Director Aaron Aquino na noo’y PRO3 regional director noong 2016 ay hindi pang-iimpluwensya, kundi pag-check lang ng status ng kaso dahil matagal na itong natutulog at nagtatanong din sa kaniya ang mga pamilya ng kanyang mga dating tauhan.
Sinabi ni Albayalde na hindi niya alam kung ano ang motibo ni Magalong, pero malinaw aniya na character assasination laban sa kanya ang ginagawa nito sa pag-akusa sa kanya na protektor ng mga ninja cops.
Una nang sinabi ni Magalong na kaya siya nagsalita ngayon dahil ito raw ang kagustuhan ng mga senador.
Kung tutuusin daw ay ayaw na niyang tumungo ng Senado nanahimik siya bilang isang mayor.