Agad nang magsisimula sa pagsusuri sa lahat ng 3rd level officials ng Philippine National Police (PNP) na naghain ng kanilang courtesy resignation ang advisory group na binuo ng pamahalaan.
Ito ay matapos na isapubliko at pangalanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang apat na mga personalidad na bubuo sa 5-man committee na pinili mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sasala sa mga high ranking officials ng PNP na bahagi ng mas maigting na internal cleansing sa buong hanay ng pulisya.
Sa naging anunsyo ni Abalos, makakasama ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sina dating National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., retired Major General Isagani Nerez, at mismong ang hepe ng Pambansang Pulisya na si Police General Rodolfo Azurin Jr. sa mga itinalaga ng pangulo na humatol sa mga heneral at koronel ng PNP.
Kung maaalala, pinangunahan ni Gen. Azurin ang pagsusumite ng courtesy resignation na alinsunod din sa naging panawagan ni Abalos sa lahat ng 3rd level officials ng pulisya na magbitiw sa serbisyo bilang hakbang nito sa paglilinis sa naturang hanay.
Paliwanag ni Abalos sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines, una nang isinailalim ng mga kinauukulan sa screening ang hepe kung saan napatunayang wala siyang kaugnayan sa operasyon ng ilegal na droga, dahilan kung bakit hindi tinanggap ni Pangulong Marcos ang kaniyang courtesy resignation.
Sa naturang pahayag ay nilinaw niya na ang pagtatalagang ito ng presidente sa naturang mga indibidwal ay hindi isang pormal na government appointment kaya wala aniyang itong tatanggaping sahod o allowance hinggil dito.
“Mataas ang respeto natin sa limang volunteer advisors na ito na tumanggap ng napakahirap na hamon at responsibilidad na magsagawa ng imbestigasyon upang patuloy na masugpo ang iligal na droga sa bansa,” ani Abalos.
“Nililinaw ko lang na ito ay legal na proseso dahil ito ay advisory group lamang na siyang magrerekomenda sa National Police Commission (Napolcom) at sa kalaunan kay Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr. Wala silang tatanggaping sahod o allowance dito,” aniya
Samantala, sa ngayon ay pinag-uusapan pa ng mga kinauukulan ang lagay ng panglimang magiging kasapi ng grupo dahil sa hiling nito na huwag nang isapubliko ang kaniyang pangalan.
Inaasahang matatapos ang proseso ng screening ng naturang advisory group at National Police Commission sa loob ng tatlong buwan para sa mga police officials na tatanggapin ang courtesy resignation.
Bukod dito ay isiniwalat din ni Abalos n isang opisyal na lamang sa ang hindi pa nagsusumite ng pagbibitiw mula sa 955 na mga heneral at koronel ng PNP.
Mayroon ding 11 mga opisyal ang hindi tumugon sa kaniyang panawagan, pero lima sa mga ito ay mga retirado na habang anim na iba pa ay naghihintay na lamang ng kanilang pagreretiro.