-- Advertisements --

Binalewala ni PNP Chief PGen. Camilo Pancratius Cascolan ang panawagan ng UN High Commissioner on Human Rights na itigil na ng pamahalaan ang kampanya kontra iligal na droga.


Siniguro ni Cascolan hinding hindi ititigil ng PNP ang giyera kontra sa salot na sumisira sa mga pamilya at sa lipunan lalu na sa panahong nananalo na ang pamahalaan.

Ipinagmalaki ni Cascolan na malaki na ang progreso ng PNP sa “supply reduction” at wala na ngayong shabu na ginagawa dito sa Pilipinas.

Kailangan nalang aniya na matutukan ang “demand reduction” na dapat pagtulungan ng lahat ng concerned sectors dahil hindi ito malulutas sa pamamagitan lang ng “law enforcement operations” ng PNP.

Itinanggi naman ni Cascolan na laganap ang paglabag sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga.

Giit ni PNP chief, ang kanilang mga anti-illegal Drug Operations ay naaayon sa Police Operational Procedures.

Mayroon aniya silang sinusunod na rules of engagement na binuo base sa prinsipyo ng paggalang sa karapatang pantao, at pagtataguyod ng “rule of law”.