-- Advertisements --

Hindi nababahala si PNP chief Oscar Albayalde sa pagtaas ng bilang ng mga pulis na sangkot sa katiwalian at iligal na aktibidad.

Ayon kay Albayalde, wala silang dapat ikabahala sa pagtaas ng bilang ng mga pasaway na pulis, bagkus kanilang ipinagmalaki na dahil sa kanilang effort ay nagkaroon naman ng improvement sa peace and order, lalo na ang sitwasyon sa iligal na droga.

Sang-ayon naman ang PNP sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na “far from over” pa ang problema sa iligal na droga.

Sa ngayon, nasa 1,700 na mga pasaway na pulis ang sangkot sa iligal na aktibidad kung saan 1,003 ang subject sa police indictment at buy bust operations.

Giit ni PNP chief, seryoso sila sa paglilinis ng kanilang hanay, lalo na ngayon na napapansin na ito ng ilang mga opisyal ng pamahalaan.

Nagpasalamat naman si Albayalde kay Sen. Panfilo Lacson dahil sa obserbasyon nito na nasa tamang direksiyon ngayon ang internal cleansing effort ng PNP.

Resulta ito sa sinusunod na internal cleansing principle ng PNP, ang preventive, punitive at restorative, kung saan in place na rin daw ang mga ito lalo na ang gagawing pag-recruit sa mga bagong pulis.

Binigyang-diin din ni Albayalde na may pabuya man o wala mas lalo pa nilang palakasin ang paglilinis sa kanilang hanay.