Hanggang ngayon ay hindi pa rin isinusumite ng PNP Board of Inquiry (BOI) ang kanilang report kay PNP Chief Oscar Albayalde kaugnay sa madugong Samar misencounter na ikinasawi ng anim na pulis habang siyam ang sugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP chief, kaniyang sinabi na wala pang isinusumite ang kanilang probe team na report sa kaniya.
Aniya, wala sitang ibinigay na timeframe sa mga imbestigador para isumite ang report.
Una nang sinabi ni Albayalde na nagkaroon ng problema sa level of coordination kaya nangyari ang madugong enkwentro.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez na hawak na nito ang BOI report pero hindi pa nila maisapubliko ito dahil kailangan pa nilang makipag-ugnayan sa PNP.
Sinabi ni Galvez na batay sa kanilang initial investigation, wala silang nakitang ginawang “grave offense” ng mga sundalo.
Wala namang ideya si PNP Spokesperson S/Supt. Benigno Durana kung ano na ang update sa BOI report.
Pero tiniyak nito na mag uusap ang probe team ng PNP at AFP para mapagkasunduan ang naging findings sa isinagawang imbestigasyon.