Idinepensa ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang mga PNP SAF Commandos sa ginawang pag-aresto sa isang ASG sub-leader na wanted sa kasong murder sa probinsiya ng Basilan.
Nakilala ang inarestong bandido na si Hadji Faisal Abdulkarim alias Sarakil Osani Faizal, 67.
Hinuli ito noong December 12, 2020 sa Barangay Matata, Ungkaya Pukan, probinsiya ng Basilan ng mga pinagsanib na pwersa ng PNP-IG, PNP-SAF, PROBAR, Maritime Group at CIDG.
Sinabi ni Sinas, batay sa kanilang record si Abdulkarim ay sub-leader daw ng ASG-Dawlah Islamiyah Basilan based group sa ilalim ng grupo ni Radzmil Janatul na siyang pumalit sa napatay na si ASG leader Furuji Indama.
Siya rin umano ang primary suspek sa pagpatay kay Barangay Chairman Naber Usani noong 2014.
Una rito, umalma si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa pagkakaaresto kay Abdulkarim.
Dahil dito nakatakdang makipagpulong si Sinas kay Cong Hataman para talakayin ang nasabing isyu.
Sa darating na weekend bibisita si Sinas sa Zamboanga City.
Plano rin nito makipagpulong sa Army units sa Basilan.