Kaduda-duda para kay PNP chief Police Director-General Ronald Dela Rosa ang timing sa paglabas ng report ng isang wires news agency sa isang umano’y palpak na police anti-drug operation sa Brgy. 19, Tondo, Manila.
Sa pakikipag-ugnayan kay PNP chief, kaniyang sinabi na kwestiyunable umano ang timing sa paglabas ng balita na itinaon na may oral argument sa Korte Suprema hinggil sa mga umano’y kaso ng extra-judicial killings (EJK) sa bansa.
Inihayag ni Dela Rosa na malinaw na noong October 11 pa ito nangyari batay sa CCTV footage, ngunit ngayon lang inilabas.
Giit ng heneral, wala umano silang magagawa kung gusto ng nasabing wires news agency na palabasin na masama at salbahe ang mga pulis.
Depensa naman ni Manila Police District (MPD) director C/Supt. Joel Coronel na sumunod ang kanilang mga tauhan sa police operational procedure sa isinagawang operasyon.
Aniya, sa katunayan daw ay kasama ng mga pulis ang mga barangay officials sa isinagawang operasyon.
Paliwanag pa ng MPD chief, kailangan nilang i-clear ang lugar dahil armado at delikado umano ang tatlong drug suspek na kanilang target.
Sa CCTV Footage na inilabas ng nasabing international news agency, kitang-kita ang pagdating ng mga pulis at pagpapaalis sa mga residente sa isang mataong lugar sa nabanggit na barangay noong tanghaling tapat ng October 11, bago nagkaroon ng putukan at napatay ang tatlong umano’y drug suspects na nakilalang sina Rolando Campo, 60; Sherwin Bitas, 34; at Ronnie Cerbito, 18, matapos silang “manlaban” sa mga pulis.
Nabatid na dumalo kanina sa oral argument hinggil sa EJK sa Korte Suprema sina Dela Rosa at Coronel.