(Update) Isinugod sa ospital si PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa at pito pang mga kasama matapos na bumagsak ang sinasakyang chopper kaninang umaga sa San Pedro, Laguna.
Ayon sa PNP ligtas na si Gamboa at ang ilang sakay nito na mga top PNP generals at dinala sa pinakamalapit na hospital.
Kasama ni Gamboa sa chopper sina Maj. Gen Jose Maria DF Ramos, Maj. Gen. Mariel Magaway, PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, Lt. Col. Zalatar, pilot; Lt. Col. Macawili, co-pilot; SMS Louie Estona, crew, at Capt Kevin Gaymara, aide de camp ni Gamboa.
Batay pa sa impormasyon sumabit ang rotor blade ng chopper sa high tension wire ng Meralco habang nagho-hover o pa-take off ang chopper na sinabayan ng dust zero visibility.
Dahil sa aksidente nagkahiwalay ang rotor blades.
Makikita rin sa larawan ang wasak na bahagi ng helicopter.
Sinasabing paalis ang chopper ni Gamboa sa Laperal Compound sa San Pedro at patungo ito sa Camp Vicente Lim para sa command visit sa PRO-4A.
Agad namang rumisponde sa crash site ang mga firefighters ng BFP sa insidente.
Unang isinugod sa West Lake Medical Center sa San Pedro Laguna sina chief PNP at mga kasama.
Lumabas naman sa inisyal na impormasyon na nasa stable na ang kondisyon ni Gen. Gamboa at maging si Gen. Banac.
Nabanggit naman ni dating PNP chief at ngayon Sen. Bato dela Rosa na bago at moderno ang chopper na sinakyan ni Gamboa na nabili noong panahon niya.
Iniulat naman ni Lt Gen Camilo Cascolon, deputy chief for administration, na nakausap na niya kanina si PNP chief Gamboa at “okey” naman daw ito.