Nakalabas na ng hospital ngayong araw si PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa hospital kasama ang aide-de-camp nito na si Capt. Keventh Gayramara.
Ito ay matapos na sertipikahan ng doktor na okay na si Gamboa.
Nagtamo ng sugat, gasgas at bugbog sa katawan si PNP chief matapos bumagsak ang sinasakyan nitong Bell 429 helicopter kasama ang pitong iba pang opisyal kahapon ng umaga.
Ayon kay PNP acting spokesman at Director for Police Community Relations M/Gen. Benigno Durana Jr., maayos at malakas na ang PNP chief.
Siniguro rin ni Gamboa na kaya na nitong pumasok at mag-report muli sa Lunes, March 9, 2020.
Pagkalabas sa hospital, dumiretso si Gamboa sa White house sa Camp Crame mula sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City.
Sinabi pa ni Durana, kahit nakalabas na sa hospital si Gamboa patuloy pa rin siyang imo-monitor ng mga doktor ng PNP Health Service.
Binisita rin naman ni SITG commander at Deputy Chief for Operations ng PNP na si Lt/Gen. Guillermo Eleazar si Gamboa para iulat ang inisyal na resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon sa crash site doon sa San Pedro, Laguna.
Nitong araw sinimulan na ng task force ang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng aksidente at kung may lapses sa hanay ng piloto.
Nakatutok din ang imbestigasyon para rebyuhin ang police guidelines sa paggamit ng kanilang mga air assets.
Hiniling na rin ng PNP ang tulong ng PAF at CAAP.
Tatlong anggulo rin naman ang tinitignan ng PNP sa crash, una ang pilot error issue, air worthiness at ang SOP sa pag-landing.
Samantala, bagamat nasa kritikal na kondisyon pa rin sina M/Gen. Joevic Ramos at M/Gen Mariel Magaway may mga positive developments na umano ang mga ito.
Itinigil na ang blood transfusion kay Ramos at rumiresponde na ito.
Habang si Magaway ay may reaksiyon na kapag may naririnig itong magsasalita.
Nagsalita na rin ang aide de camp ni Gamboa na si Capt Gayramara at sinabing fit na rin siya para mag-duty.
Bugbog lamang ang kaniyang katawan bunsod ng impact at umano’y na-groggy.