Tatanggapin na ni PNP chief Lt Gen. Archie Francisco Gamboa ang kanyang pang apat na estrelya ngayong araw.
Ito’y matapos na italaga ng Pangulong Rodrigo Duterte si Gamboa bilang ika-23 chief ng pambansang pulisya noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac ang donning ceremony ay isasagawa sa Calabarzon kasabay ng aktibidad sa lugar ng Pangulong Duterte ngayong araw.
Bago maging ganap na PNP chief si Gamboa siya ang Deputy Chief for Administration ng PNP na naging officer-in-charge ng PNP ng tatlong buwan.
Ito ay mula nang bumaba sa pwesto si retired PNP chief General Oscar Albayalde noong buwan ng Oktubre dahil sa isyu ng ninja cops.
Sa pag-upo ni Gamboa bilang PNP chief, tiniyak nito na palalakasin pa ang kampanya kontra iligal na droga at internal cleansing sa kanilang hanay.
Asahan na rin ayon kay Gamboa na magkaroon ng reshuffle sa mga darating na araw.
Una nang sinabi ng Pangulo na dahil sa ipinakitang sinseridad ni Gamboa kaya pinili niya ito bilang PNP chief.
Si Gamboa ay mistah o kaklase ni Albayalde, Lt Gen. Camilo Cascolan at Sen. Ronald Dela Rosa na miyembro ng PMA Class of 1986.
Sa kabilang dako, kumpiyansa si DILG Sec Eduardo Año sa kakayahan ni Gamboa na aniya ay qualified para maging chief PNP.