-- Advertisements --

Balik trabaho na ngayong araw si PNP Chief PGen. Debold Sinas matapos makumpleto ang kanyang dalawang linggong quarantine.


Magugunitang, sumailalim si Sinas sa quarantine sa Kiangan Treatment Facility sa Camp Crame noong Marso 11 matapos na mag-positibo sa Covid 19.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana, nakipagpulong sa PNP Health Service kaninang umaga si Sinas para pag-usapan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa kanilang hanay at tumanggap ng pag-uulat kaugnay ng estado ng kampanya ng PNP para mapigilan ang pagkalat ng Covid 19 sa kanilang organisasyon.

Nakipagpulong din si Gen. Sinas sa ilang mga opisyal para sa updates ng pagpapatupad ng kanyang mga direktiba.

Habang nasa quarantine si Gen. Sinas, si PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Guillermo Eleazar ang tumayong Officer in Charge ng PNP.

Samantala, Nababahala din si Sinas sa pagtaas ng mga kaso ng Covid 19 sa PNP.

Ayon kay Usana, nagpatawag ng zoom meeting si Sinas sa mga concerned PNP officials nitong weekend habang naka-quarantine pa siya para pag-usapan ang isyu.

Ngayon nakalabas na sa quarantine si Gen. Sinas, ang kanyang unang pupulungin sa limited Face to Face meeting ay mga opisyal ng PNP Health Service.

Kahapon ay iniulat ng PNP Health Sevice ang 229 na bagong kaso ng Covid 19 sa kailang hanay, na pinakamataas mula nang magsimula ang pandemya.

Sa ngayon ay nasa 13,666 na ang mga tauhan ng PNP na tinamaan ng Covid 19, kung saan 11,981 ang naka-rekober, 1,649 ang aktibong kaso, at 36 ang nasawi.