Aminado si PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na gusto na nilang bumalik sa giyera laban sa iligal na droga.
Sinabi ni Dela Rosa na habang tumatagal na wala sila sa war on drugs ay mas lumalala ang problema.
Aniya, sa katunayan ng mag ikot siya sa Kalinga at Zamboanga City lahat ng nakausap niyang lokal na opisyal mula barangay captain hanggang gobernador ay hinihiling sa kanya na ibalik na ang mga pulis sa pagsugpo ng droga dahil nagiging siga na raw muli ang mga drug pusher at user sa kanilang mga lugar.
Giit ni PNP chief na may natanggap din siyang report na unti unti na rin namamayagpag ang mga drug pusher sa kalye.
Pahayag ni Dela Rosa na kahit nais ng mga local government officials na ibalik ang PNP sa kampanya kontra droga hindi niya ito irerekumenda kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil ayaw nilang pangunahan ang presidente.
Binigyang-diin din ni Dela Rosa na hindi na rin aniya kailangan pang tapusin nila ang internal cleansing bago bumalik sa gyera kontra droga dahil wala naman raw katapusan ang paglilinis sa kanilang hanay.