-- Advertisements --

Bukas umano ang Philippine National Police (PNP) sa anumang imbestigasyon hinggil sa ikinasang operasyon sa Angono, Rizal na ikinasawi ng mag-asawang NDF consultant.

Umaalma kasi ang makakaliwang grupo na sadyang pinatay ang mag-asawang Eugenia Magpantay at Agaton Topacio dahil hindi na raw ito makapanglaban dahil pawang mga senior citizen na ang mga ito.

Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, magsasagawa ng motu propio investigation ang PNP Internal Affairs Service (IAS) hinggil sa insidente.

PNP chief Sinas 1

Hamon naman ni Sinas sa CPP-NPA na magpakita ng ebidensiya at kung walang maipakita ay “itikom na lamang ang kanilang bibig.”

“Now, if the CPP-NPA (New People’s Army) claims anything, we would not react to that. If they want, they could always file a case in court if they have evidence. If they don’t have any, they better keep their mouths shut,” wika ni Sinas.

Idinepensa rin ni Sinas ang operasyon ng PNP CIDG sa Angono, Rizal.

Ayon kay Sinas, ipinatupad lamang ng PNP CIDG Calabarzon ang search warrants laban sa mag-asawa noong Novermber 25 dahil sa paglabag daw sa Republic Act 10591 o ang Illegal Possession of Explosives.

Isinilbi rin ng mga pulis ang warrant of arrest sa kasong homicide at murder na kinakaharap ng mag-asawa.

Ayon sa mga pulis, nanlaban ang mag-asawa sa mga pulis na nagresulta sa palitan ng putok, sugatan ang mag-asawa na isinugod pa sa Rizal Provincial Hospital pero ideniklarang declared dead on arrival ng mga doktor.

Nilinaw din ng PNP chief ang paglaban ay wala sa edad lalo na ang nasabing mag-asawa ay hindi ordinaryo kundi mga tinaguriang mga “hardened terrorists.”

Samantala, no comment naman ang PNP kung kabilang sa kanilang radar o target list ang napatay na 22-anyos na Amasona na si Jevillyn, anak ni Cong. Eufemia Cullamat.

Ayon kay Sinas, lahat ng impormasyon hinggil sa batang amasona ay kaniya ng ipinauubaya sa AFP.

Napatay si Jevillyn matapos makasagupa ang mga tropa ng 3rd Special Forces Battalion sa Surigao.

Wala rin namo-monitor ang PNP na may mga anak o kamag-anak ang ilang opisyal ng gobyerno na miyembro ng armadong grupo.

Siniguro naman ni Sinas ang suporta ng PNP sa AFP sa kampanya nito laban sa insurgency.